Minsan kung iisipin mo, nakakatuwa ding sumakay sa jeep. Dahil sa jeep, mura lang ang pamasahe kahit mabagal ang usad. Dahil sa jeep, madami ka makakasalamuha, madami ka matutunan, mga aralin ng totoong buhay. Parang isang maliit na lipunan ang loob ng jeep – na sa kanyang paglalakbay ay madadagdagan ng pasahero at syempre nababawasan din, hanggang sa marating nya ang terminal. Tapos, balik ulit sa pasada.
Sa jeep madami kang makakasalamuha, kadalasan, masa. Pero meron pa din namang may kaya. Pailan ilan. Kung minsan, nasiraan ng kotse o di kaya nagtitipid. Makikita mo kung paano makisalamuha sa isa’t isa ang dalawang uring ito.
Makikita mo din ang kanya kantang ugali ng mga pasahero. Merong walang pakialam. Yun bang ayaw mag abot ng bayad, kahit na sya lang ang taong pwedeng gumawa dun. Meron din namang gahaman, yun bang magbabayad ng hanggang Santolan lang pero sa Cubao na bababa. Yung iba naman magagalit kapag kulang ang sukli na para bang ginugulangan sila ng driver. Di man lang naisip na baka nagkamali at hindi talaga sinasadya ng driver. Meron ding matigas ang ulo, yung alam namang hindi pwedeng magbaba sa kanto, dun pa sya papara, at kung lumampas sya dahil itinigil ng driver sa tamang babaan, magagalit. Kung mamalasin ka ay may makakasakay ka pang masasamang loob. Maaaring holdaper o kaya naman snatcher. Pwedeng kasabwat ang driver o pwede namang hindi din.
Kanina, habang papunta ako sa cubao, may isang nanay na may kasamang 3 bata. Nauna silang sumakay saken. Unti unting napuno ang jeep. Nung una, sinabihan na sila ng konduktor na kalungin na yung bata, ang sagot naman nung ale, bayad daw ang mga bata. Hanggang napuno na nga ang jeep. Sinabihan ulit sila ng driver. "ale pakikalong naman po yung bata, 2 lang yung binayad nyo" hindi umiimik yung ale. Malamang kase ay talagang 2 lang ang binayad nya at 3 ang kasama nyang bata na marahil ay mga anak nya.
Ang sabi ng driver, sa jeep, upuan ang binabayad. Kung 5 ang bata at isa lang ang nanay. Lugi sila kung ang ibabayad ng nanay ay isa lang at 2 bata. Libre yung tatlo? Okay lang daw kung may discount, pero hindi naman sana libre dahil kung hindi ay sila naman ang malulugi. May point naman yung driver, eh talaga namang malulugi sila, may point din ba yung ale sa hindi pagbabayad ng 1 pang bata? Kung iisipin mo baka maliliit lang naman yung mga bata na kasya naman sila sa espasyo ng pangdalawang tao. Pero nung bumaba sila, nalaman ko ang sagot. Kasama nung ale ang 3 nyang apo. 2 dalaga (14-18) at isang bata na sa tingin ko ay nasa 10 taong gulang.
Minsan sa jeep, mapagiisip isip ka din talaga tungkol sa lipunang ng ating bansa. Matatanong mo sa sarili mo na sa panahon ngayon sino ba talaga ang ugat ng problema ng ating bansa..ang gobyerno ba? O ang mga tao mismo? O pwede rin namang pareho..di ba?
(images above are taken from the LRT ART EXHIBIT July 24, 2009)
No comments:
Post a Comment